Miyerkules, Disyembre 5, 2012

Makabagong Bayani, aking guro!




“Mam!” “Ser!”, ito ang kadalasan na naririnig nating mga salita sa apat na sulok ng silid-aralan na binabanggit ng mga estudyante,upang pukawin ang atensyon ng kanilang mga guro.Sa ganitong pamamaraan nababatid ng isang guro kung ang kaniyang mag-aaral ay may kailangan o minsan pa nga ay kahit hindi magsalita ang isang bata ay nalalaman niya agad kung may kailangan o suliranin ito.Ang mga guro ang itinuturing na pangalawang mga magulang ng mga bata na pumapasok sa paaralan at siyang nagbibigay kalinga at patnubay sa mga isipang uhaw sa kaalaman.
Sa loob ng klasrum humaharap ang guro sa iba’t ibang klase ng mag-aaral na kung saan ang mga ito ay may iba’t ibang pag-uugali,paniniwala at kaalaman ngunit para sa isang guro isa itong hamon na maihahalintulad sa pagluluto ng isang pagkain na kung saan masusing pagsasamasamahin ang mga sangkap at pagkatapos ay lulutuin.Sa ganitong paraan lalabas ang isang putahe na may kaayaayang amoy at ano sangkap nito?? mga kaisipang hinaluan ng pangangaral.Mahirap magturo sa mga estudyante na hindi mawari ang nais sa buhay pero bilang guro tungkulin niya na magturo at turuan ang mga mag-aaral na ito upang unti-unti nilang malaman at maramdaman ang kariktan ng buhay.
Sisikat ang araw,malalanta ang mga dahon,hahangin ng malakas,matutuyot ang tubig sa batis, muling magdidilim, ngunit kailanman hindi matatapos ang obligasyon ng isang guro sa libulibong estudyante na kaniyang tinuruan, tinuturuan at tuturuan. Nakakapagod ang magturo ngunit sa sandaling maramdaman ng isang guro ang dedikasyon sa ginagawa niya mapapawi ito.Paulit-ulit siyang gigising at sa kaniyang bawat paggising patuloy niyang mararamdaman na kaya siya bumabangon sa umaga ay para akayin muli ang mga isipang naghihintay sa kaniya sa paaralan at umaasang muling matatamnan ng wastong aral.
Hindi man malaki ang sahod ng isang guro ngunit para sa akin,para siyang isang doktor sapagkat inilalayo niya ang kaniyang mga mag-aaral sa sakit ng lipunan na nakapalibot sa kapaligiran nito, para siyang abogado na nagtatanggol sa mga mag-aaral laban sa kamangmangan,para siyang isang nars na kumakalinga sa mga isipang nangangailangan ng karunungan, para siyang isang arkitekto na bumubuo ng plano para sa pagtupad ng pangarap ng bawat estudyante, para siyang isang enginir na gumagawa ng isang gusali sa puso ng mga mag-aaral upang lagakan ng tamang asal, para siyang isang tagaluto na naghahain ng masusustansyang kaalaman para sa isipan.Hindi masusukat kailanman ng pera ang mga bagay na nagagawa ng isang guro sa loob ng paaralan at sa bawat puso’t isipan ng mga estudyante na ang turing sa guro ay isang bayani.
Hindi man siya katulad ng ibang bayani ng Pilipinas katulad ni Rizal na pambansang bayani,o ni Lapu-lapu na kauna-unahang pinunong Pilipinong lumaban sa mga mananakop na Kastila, o ni Apolinario Mabini na matalino at may napakatibay na paninidigan, o ni Heneral Emilio Aguinaldo na unang pangulo ng Unang Rebolusyonaryong Republika ng Pilipinas, o ni Andres Bonifacio na nagtatag ng Katipunan pero para sa karamihan ang mga guro ang bayani ng mga bayani.Siya ang itinuturing na gabay ng mga kabataan na pag-asa ng bayan.
Bakit nga ba itinuturing na bayani ang mga guro? Dahil bilang isang bayani wala silang ibang hangad kung hindi ang wastong kaalaman,karunungan at asal para sa ikabubuti ng karamihan at ginagawa nila ito ng buong puso.Mahalin at pahalagahan ang mga guro sapagkat sila ang tanglaw sa gabing madilim,ang perlas sa malawak na karagatan at ang bayani ng paglalakbay sa buhay.

1 komento: